Friday, 18 May 2012

Blog

A short description about your blog

Aking mga Tula

Posted by: Makario Roy Magsulat in MyBlog

Tagged in: Untagged 

Makario Roy Magsulat

Isang Milyang Pangarap
ni Alimuom

Nag-ugat at sumibol dito sa aking isip
ang isang kumikinang na ginintuang panaginip
bagaman ang aking mga mata'y hindi naman nakapikit
kung kaya aking natatanaw ang kaylawak na langit.
At naroon sa itaas ang bituing maririkit
na parang pangarap at gunitang hindi mawawaglit.
Ang puso ko'y tumimo't ang bibig ko'y may naisambit,
"Ang ngayon nga ay mawawala at bukas ang papalit."

Gusto ko ngang makapagpatayo ng sariling bahay.
Nais kong makaahon sa napakahirap kong buhay.
Sana'y sa halip na bato'y ginto ang aking mahukay
at sana ri'y aking maani ang bunga ng tagumpay
upang kung saka-sakali mang ako ay mamamatay,
ang lahat ng aking pinangarap ay akin nang taglay.
Ang aking mga pangarap ay maari kong mahintay
ngunit makakamit din lang sa galaw ng aking kamay.

Kasaganaan,tagumpay at yama'y aking ambisyon,
maging tagapagtanggol at huwaran ng ating nasyon.
Ang lahat ng pangarap ko'y saan kaya paroroon 
kung wala akong tagagabay at walang Panginoon.
Sa buhay ng aking kapwa'y buhay ko ang itutugon.
Mula sa pagkakadapa,ang bayan ko ay babangon
upang sa isang milyang pangarap naman ay lilingon
at upang ang sarili,huwag mabaon sa kahapon.

Sa paggising ni araw sa luklukan ng Silangan
ay simula rin ng paglalakbay na walang pagtahan
at tulad din ng aking pangarap na walang hangganan,
ang matatag na puso ay higit ko pang kailangan:
ngunit ang sarili'y kailangan ding pakaingatan
nang ang paghihirap at pagsisikap ay 'di masayang
upang kung si araw ma'y makarating na sa Kanluran,
tayo'y nakarating na rin sa ating patutunguhan....



Ang Tinig ng Laruan
ni Alimuom


Bagay na hawak-hawak pa ni Nene kahapon,
anak-anakan daw niyang laging kalong-kalong.
Sa kanyang pagtulog,sa tabi niya’y naroon,
Pagsapit ng umaga’y hahanapin pagbangon.



Sa hapag-kainan mangyari’y sinusubuan,
sa pagligo ay sabay ding pinaliliguan,
pagkatapos nito’y una pang bibihisan
at saka muling pupunta sa pook-libangan.



Ang bagay na ito ay ang mumunting laruan
na sa pagkabata ay lubhang kinagiliwan,
ngunit sa paglaki ay dagling kinalimutan
na parang ang halaga ay pangkahapon lang.



Masdan mo ang laruan sa sulok ng tahanan
na kahapon ay ngumingiti at parang may buhay.
Siya’y lumuluha,tumatangis,namamanglaw.
Sa yakap ng kaibigan,siya’y nauuhaw.



Iba na’t di na hilig ni Nene ang laruan,
Pera na kasi ang higit niyang kailangan.
“Kung araw at gabi ako ay maglalaro lang,
bukas ng umaga’y kakalam ang aking tiyan”



“Kahit ilang oras lang na tayo’y maglalaro,
wala na rin kasi sa aki’y nagpapaligo.
Dati,sa akin, yakap mo ang sumusuyo
ngunit ngayo’y alikabok sa’ki’y dumarapo.



Kapag ang laruan ay makapagsasalita,
Ang sasabihin n’ya ay “maglaro tayo bata”.
Kapag ang laruan ay maaaring lumuha,
sa kaydaming buhay,kalungkutan ang babaha.



“Dati ay may ningning pa ang aking mga mata.
Ang aking mga pisngi’y lubhang napakaganda.
Sa silong ng langit tayo ay laging masaya
bagaman ang lahat niyon ay hiram lang pala.



Kaligayahan mong ituring na ako’y sa’yo
at ligaya ko rin naming ako’y iyong-iyo.
Dati’y kaydaming batang sa’yo’y naninibugho
dahil sa iyong laruan,laruan mong si ako.



Ngayong ika’y malaki na’t hilig mo’y iba na,
‘wag mo akong pabayaang laging mag-isa.
Hiling ko,kung ang silbi ko sa iyo’y tapos na,
sa munting bata naman, ako ay ipamana….”

 

 WIKANG FILIPINO